windel's posts with tag: panitikan
What are tags? You can give your posts a "tag", which is like a keyword. Tags help you find content which has something in common. You can assign as many tags as you wish to each post.
Huling Hiling, Hinaing at Halinghing ni Hermano Huseng ni Pat V. Villafuerte
Huling Hiling: Iskuwala
NAGSISIMULANG MAGKULAY-GINTO ang dati’y luntiang punla na nilinang ng mapagpalang-kamay ng mga anak-bukid nang huli kong masilayan si Hermano Huseng, pagkaraan ng ilang taong pinaghiwalay kami ng panahon at ng pagkakataon. Noo’y kanyang kasibulan – maglalabimpitong tag-araw ng kanyang buhay. Malapad ang dibdib, maumbok ang siksik na mga braso, masigla at malakas. Pagmulat ng kanyang mga mata kasabay ng pagputok ng araw, isang katangi-tanging ritwal ang pinagkakaabalahan niyang gawin - ang talunin at magpaikut-ikot sa mahabang bakal na ang magkabilang dulo’y natatalian ng makapal na lubid at nakabuhol sa walong talampakang kawayan. Parang binabaluktot na ratan ang kanyang katawan tuwing itinataas-ibinababa ang pantay niyang mga paa, at ito’y nagmimustulang lagas na dahon ng banaba habang inililipad ng hangin. Pagkaraan ng ilang sandali’y pantay ang mga paang lulundagin niya ang lupa habang tuwid at magkapantay ang kanyang mga kamay na nakaturo sa langit. Nganganga’t ibubuga ang nakaipong hangin sa malapad niyang dibdib saka sisimulang punasin ng kupasing lavacara ang namumuong mga pawis sa kanyang noo, pisngi, liig, batok at braso. Isang seremonya ko na ring gumising nang maaga kapag nauulinigan ko na ang kanyang mga yabag. At sa munting bilog na butas ng sawaling dingding ay lihim kong pinagmamasdan ang kanyang kahubdan. Ang malapad niyang dibdib at ang maumbok at siksik niyang mga braso. At ako’y nakadarama ng naiibang sigla. Ng naiibang pangitain. Ng di-maipaliwanag na damdamin.
Masasabing kababata ko siya bagamat walong taon na ako nang sumulpot siya sa sangmaliwanag. Halos nagkakaumpugan ang dingding at bubong ng aming mga tahanan kaya’t nasaksihan ko ang kanyang paglaki’t pagbibinata. Bunso siya sa apat na magkakapatid na pulos lalaki ng mag-asawang Tata Pulo at Nana Docia, samantalang bugtong na anak ako ng mag-asawang maggugulay. Ngunit ang natatandaan ko, mula nang ako’y magkaisip, siya lang ang nilikhang laman ng aking isip . . . pagsikat at pagtirik ng araw. Kaya nga ba’t sa tuwing magdadapit-hapon, sa tuwing aangkinin ng makakapal na ulap ang hilahod na kapaligiran ng buong nayon, ay itinuturing kong isang walang kahandaang kamatayan ang sandaling iyon para sa akin.
Kapwa kami lalang at lumaki sa Tungkong Bato, isang natutulog na baryo sa San Antonio. Iisang Impong Gande ang nagpaanak sa amin. Iisang bisita* ang pinagdalhan sa amin upang maging kristiyano. Iisang Tata Roman ang nagpanguya sa amin ng usbong na bayabas upang pagkatapos ay bawasan ng isang kapirasong laman ang pinakatatago naming “kamyas” sa katawan. Iisang baku-bakong landas sa gilid ng bundok ang aming nilalakbay patungo sa yari sa anim na raang kuwadro metrong pandayan ng karunungan. Ngunit habang nagpapalit ang mga araw at nagsisimula kaming mangarap para sa papaunlad na buhay ay nagkakaroon ng pagbabago sa aming paniniwala at ideolohiya. Bunga ng maghapong pakikinig ng mga balitang panglokal (walang nakararating na dyaryo sa aming nayon) ay higit na nagiging malalim ang pananaw sa buhay ni Hermano Huseng. Higit siyang naging maurirat sa mga isyung pulitikal. Higit siyang nagiging mapusok at marahas.
Sa mga bagong nakikilala ni Hermano Huseng ay hindi nakakaligtaang itanong sa kanya kung ano ang kahulugan ng Hermano na nakakapit sa kanyang pangalan. Bukod sa kanyang magulang at mga kapatid, kami nina Tatang at Inang ang nakaaalam ng lihim na alamat. Simula sa unang araw ng Mayo hanggang katapusan ng buwan ay ipinuprusisyon ng mga taga-Tungkong Bato ang imahen ni San Isidro, ang patron ng mga magsasaka. Bawa’t gabi’y isinasagawa ang “panunuluyan”. Isang pamilya ang “umaampon” sa imahen. Ang bunsong anak na lalaki ay tinatawag na Hermano at kung babae ang bunsong anak, ito’y tinatawag na Hermana. Ipinaghahanda ng Hermano o Hermana ang pagdating ng kanilang “ampon”. Ang pangunahing pinto at mga bintana ay ginagayakan ng iba’t ibang ani – palay, mais, suman at iba pa. Dadasalan at aawitan ang “bagong panauhin”. Isang buong araw itong manunuluyan at pagsapit ng gabi ay ibang pamilya na naman ang “aampon” sa imahen. Simula nang manuluyan kina Tata Pulo at Nana Docia ang patron ng mga magsasaka ay ikinapit na kay Huseng (mula sa pangalang Jose) ang salitang Hermano. Mula noon, ang anak na tumangging humawak ng pait, katam, lagare at martilyo ay tinawag ng Hermano Huseng.
Anluwage ang ama ni Hermano Huseng. Isang maestro karpintero ng kanyang panahon. Namana niya ito sa kanyang ama na namana naman ng huli sa ama ng kanyang ama. Sa maikling salita, angkan ng mga anluwage ang pinag-ugatang lahi ni Hermano Huseng. Sinasabi ng mga naunang mamamayan ng Tungkong Bato na halos ang buong pamayanan ng nayon ay dumaan sa katam, martilyo’t lagare ng angkan ni Hermano Huseng. Ang kauna-unahang bisita*, bahay, paaralan, klinika, ospital, palengke, bahay-sanglaan, bangko, panaderya, punerarya, tulay at palikurang-bayan sa Tungkong Bato; ang lumang kapitolyong pinagkutaan ng mga Kastila sa karatig-bayan; at ang pinakamamahaling ataul ng Funerarya Lorenzo sa San Antonio ay nagawa dahil sa mapagpalang mga kamay ng kanunununuan ni Hermano Huseng. Kaya’t para sa sinaunang mga mamamayan ng Tungkong Bato, kasama na ng iba pang nayon at bayan ng San Antonio ay institusyon na ang lahing pinag-ugatan ni Hermano Huseng. Kaya’t hindi dapat pagtakhan kung sakali mang makarinig si Hermano Huseng ng masasakit pananalita mula sa kanyang ama sa tuwing tatangkain niyang putulin ang kinagisnang tradisyon. Tanging siya, sa apat na magkakapatid na lalaki ang hindi sumasama sa ama kapag may batarisan o kapag nangingibang-bayan para mag-anluwage. Mas ginusto pa nitong magsulat ng mga tula. Mas kinahiligan pa nitong mag-alaga’t magpalaki ng mga itik at bibe. At pagkaraang pakainin ang mga ito, pagkatapos ang sabay-sabay na pag-iingay ng mga ito ay uupo siya sa papag na nasa ilalim ng punong santol at magsisimulang magsulat. Nakatutuwang ako ang kanyang naging unang tagabasa at kritiko.
Ang unang dalawang saknong ng kauna-unahang tula ni Hermano Huseng na pinabasa at ipinasuri niya sa akin ay naganap isang hapon sa ilalim ng isang punong santol. Isang hapong ayon sa kanya’y tamang panahon ng pagpapalayang-diwa:
At sapagkat ang mabuhay sa daigdig ay walang katapusang pagkukumagkag sa nakagapos na proseso ng kapagalan, bawat lakad-pasulong bawat likong pakaliwa’t pakanan bawat yapak-pabalik ay may pagsuko sa loob ng ating sarili.
nahahakbangan ang puso natatalisuran ang isip ngunit nahahawan ang landas para sa kaluluwang pagal sa paghahanap ng katotohanan sa di-madalumat na katotohanan sa pagitan ng maraming pagtango’t pag-iling sa pader ng di-mabilang na pagpigil at pagtutol.
“Parang galit ka sa mundo,” ang tanging nasabi ko.
Ang akala ko’y iyon ang magiging simula ng isang magandang yugto sa buhay ko. Hindi pala. Pagkaraan ng ilang linggo’y naibalita niya sa akin na kinumbinsi siya ng kapatid ng kanyang hipag na magtrabaho sa konstruksyon ng kauna-unahang mall na maipatatayo para sa mga Nueva Ecijano. Ito’y nangangahulugang sa lungsod ng Cabanatuan na siya maninirahan, at paminsan-minsan na lamang siya luluwas sa Tungkong-Bato. Ito na rin marahil ang magiging simula ng aking kalungkutan. Ng aking kamatayan.
Naging suliranin ni Hermano Huseng ang magkakasunod na taong pag-aasawa ng tatlo niyang kapatid. Papatanda na ang kanyang ama at wala nang makakatuwang sa pag-aanluwage. Ang kanyang kuya ay nakapangasawa ng isang Sebuwanang namasukang katulong sa tahanan ni Meyor. Sa munisipyo na nagtatarabaho ang panganay na kapatid. Nang sumunod na taon ay itinanan ng kanyang diko ang dalawang taon nitong nobya na taga-Aluwa. Sa bayan na ng babae nanirahan ang mag-asawa. May minanang kiskisan ng palay ang babae nang mamatay ang mga magulang nito at ito ang kanilang pinagkikitaan. Pagkaraan ng isang taon, nagpaalam ang kanyang sangko na magpapakasal na rin sa kasintahan nitong nasa kabilang ibayo. Maestra sa isang publikong paaralan ang napangasawa nito. Nagtayo ng maliit na tindahan ang mag-asawa at ito ang kanilang pinalalago. Siya naman ay sa pinagtatrabahuhan na namamalagi. Dalawang beses sa isang buwan na lamang siya kung umuwi sa Tungkong Bato.
Nagsasalansan ako ng mga bakawan sa silong ng bahay nang maulinigan kong nag-uusap sina Tata Pulo at Nana Docia.
“Pa’no tayo mabubuhay kung ang bawat nagpapakumpuni ng bahay ay pabatares? Ang pangingibang-bayan na lamang ang atupagin mo,” tinig iyon ni Nana Docia.
“Ang tao namang ire. Ako nga abay* ye* bigyan mo ng kahihiyan. Halos kamag-anakan natin ang mga nagpapabatares. Si Madeng ba ye pagbabayarin ‘ta? Alam mo namang nag-iisa sa buhay at di-nakapag-asawa. Mabuti’t nakumpuni ko ang bubong ng kanyang poltri bago dumating ang malakas na bagyo. Tatanggapin ko ba ang inaabot ni Kapitan Ontong gayong halos siya ang nagligtas at bumuhay sa ‘tin no’ng panahong pasukin tayo ng mga taong-labas? Ay, tinamaan ka ng lintik. Baka ni isa mang tagarito ye walang dumamay sa ‘yo sakaling dumating ang huling subo ko?” tugon ni Tata Pulo.
Bagamat itinuturing na pinakamahusay kumarkula ng mga kahoy at kawayan kahit hindi nakatuntong man lamang ng unang grado sa paaralang-bayan, walang naaksayang gamit ang ama ni Hermano Huseng. Maging ang mga pinagtabasan at pinagkatamang kahoy ay kanyang nagagamit sa ibang paraan. Ang kayang katwiran, “Dapat panghinayangan ang alinmang bagay na natatapon. Ang lahat ng ‘yan ay may paggagamitan.” Pag-uwi mula sa pinaggawaan, sunung-sunong niya ang mga lumabis na pira-pirasong yero, kahoy at kawayan. Maayos na isasalansan sa silong ng bahay. Dudukutin sa bulsa ang naipon at nahinging mga pako na may iba’t ibang sukat at isisilid sa isang lumang lata, kasama ng naipon ding maliliit na lapis na bagong tasa.
Isang magdadapit-hapon, kasagsagan ng ulan nang dumating mula sa pambabatares si Tata Pulo. Nanginginig ang kanyang buong katawan. Inaapoy ng lagnat. Matapos palitan ng tuyong kamiseta ang kanyang basang damit, banyusan ng mainit na tubig ang kanyang mukha, mga braso’t binti; at medyasan ang mga paa, pinahigop siya ni Nana Docia ng isang tasa ng mainit na kape.
“Iwasan ninyong maglabas ni isa mang sentimo kapag sumakabilang-buhay ako. Hilingin mo na lang sa ating mga anak na gamitin ang mga nakatambak na kahoy sa silong para sa aking kabaong. Ibig kong sila ang gumawa ng aking himlayan,” ang bilin ni Tata Pulo. “Isama mo sa aking puntod ang mga gamit ko. Tutal, pinutol na nila ang kinalakhan kong tradisyon. Sayang . . . Sayang . . .”
Pasungaw na ang araw nang tuluyang ipinikit ng Maestro Karpintero ang kanyang mga mata. Isang nangungulilang kamatayan ang nasaksihan ko nang umagang iyon.
Magtatanghali na nang magkakasunod na dumating ang apat na anak ni Tata Pulo, kasa-kasama ang asawa’t anak ng mga ito; maliban kay Hermano Huseng na nananatiling binata. Pinasok ng magkakapatid ang silong, namili at naglabas ng mga kahoy habang inilalabas ni Nana Docia ang mga gamit sa pag-aanluwage ni Tata Pulo. Ngunit . . .
“Bakit ba pahihirapan pa natin ang ating katawan sa paggawa ng kabaong? Maaari naman tayong kumuha ng serbisyo sa Lorenzo?” tinig iyon ng panganay. “Saka may kalumaan na ang mga kahoy na ito. Takpan man natin ng makapal na pintura’y lalabas din ang tunay na kayo,” tinig iyon ng pangalawa.
“Mag-ambag-ambag na lang tayo. Kumuha tayo ng magandang kabaong sa Lorenzo,” tinig naman iyon ng pangatlo. “Saka paghati-hatiin na rin natin iyong kanyang mga gamit.”
“Ngunit ang hiling ng inyong ama ay . . .”
Halos papalubog na ang araw nang dumating ang panghabang-buhay na higaan ng pinakamatandang anluwage ng buong bayan ng San Antonio. Napagpasyahan ng magkakapatid na ilibing na kinabukasan ang ama.
“Wala naman tayong mga kamag-anak na hinihintay. Bakit kailangang patagalin pa ang libing? Pare-pareho tayong may pamilya na dapat asikasuhin,” tinig iyon ng panganay.
“At may kabuhayan tayong dapat tutukan. Malakas pa naman sa panahong ito ang kiskisan. Sang-ayon ako kay Kuya na mailibing na agad si Ama,” tinig iyon ng pangalawa.
“Ako rin. Hindi kami kailangang magtagal dito. Si Luming ay may turo sa bayan. Pinilit ko nga lamang lumiban sa klase ngayon,” tinig iyon ng pangatlo.
Kinabukasan, inihatid namin sa kanyang huling hantungan ang labi ni Tata Pulo. Mangilan-ngilan lamang ang nakipaglibing. Ni hindi sumipot ang mga taong natulungan ng matandang anluwage. Payak na libing ito para sa isang henyo ng paggawa. At sa paglisan ng apat na magkakapatid ay baon nila ang naiwang yaman ng amang anluwage: Martilyo ang pinili ng panganay, lagare ang inangkin ng pangalawa, katam ang kinuha ng pangatlo at iskuwala ang tanging hiling ng bunsong si Hermano Huseng sa kanyang ina.
“Bakit iskuwala?” ang tanong ko kay Hermano Huseng habang inihahatid ko siya sa sakayan.
“Hindi ako kailanman nakatulong kay Ama sa panahon ng kanyang pag-aanluwage. Sa mga gamit ni Ama, ang iskuwala ang hindi na gaanong ginagamit sa panahong ito hindi tulad ng martilyo, lagare at katam,” ang sagot ni Hermano Huseng. “Ito lang ang huling hiling ko, masaya na ako para kay Ama.”
| |